𝗛𝗜𝗡𝗗𝗜𝗞 3.0: 𝗦𝘁𝗮𝗹𝗸𝗲𝗿
"Stalker"
By: Christian
Ang 32-anyos na si Luis Santos ay isang I.T. programmer sa Maynila, at siya ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isa sa mga pinakamalalaaking kumpanya sa Pilipinas. Ngunit siya rin ay isang taong pinahahalagahan ang kanyang pribadong oras, at nais na manatili sa loob ng bahay hangga't makakaya.
Kaya, noong Pebrero ng 2024, bumili siya ng isang tatlong palapag na rest house sa Escala, Tagaytay. Ang paligid nito ay isang magandang berdeng kapatagan, at mula sa ikatlong palapag, makikita ang tanawin ng bulkang Taal at Lawa ng Taal. Nagustuhan ito ni Luis dahil napakapayapa, napakaaligid, at palagi siyang napapalibutan ng mga punong-kahoy habang siya ay pumapagitna sa mga burol na iyon.
Ngunit hindi niya alam na ang kapayapaang iyon ay magugulo sa kalaunan.
Sa pagsapit ng Holy Week break ng 2024, nais niyang manatili sa kanyang rest house mula simula ng linggo hanggang Huwebes Santo, at pagkatapos ay makauwi sa kanyang pamilya sa Pandi, Bulacan, sa Biyernes Santo para sa prusisyon. Kaya't nanatili siya sa kanyang rest house mula pa lang sa mga unang araw ng mga day-off na iyon.
Ngunit isang gabi noong Abril 1, may tatlong katok sa kanyang pinto — tatlong mabagal na katok. At nang pagbukas niya, wala namang tao. Binalewala niya lang ito dahil baka hangin lang o mga insekto. Gayunpaman, sa paglipas ng mga araw, may mga bagay na nagsimulang maglaro sa kanyang isipan na hindi niya maintindihan.
Isang gabi noong Abril 3, ang motion light sa kanyang driveway ay nag-on at off ng paulit-ulit sa kalagitnaan ng gabi. Gayunpaman, ipinagkibit-balikat niya ito dahil baka isang mekanikal na problema lang iyon, o baka hindi niya lang na-check ang sasakyan niya.
Noong Huwebes, Abril 4, bandang 9:42 ng umaga, habang umiinom siya ng kape, nagsimulang mag-ring ang kanyang cellphone. Kaniya itong sinagot, ngunit hindi sumasagot ang tumatawag sa kabilang linya. Kaya't noong siya ay bumulong ng, "Hello," muli, ay wala pa ring sagot. At pagkatapos, narinig ang isang click sound, at naputol ang linya. Pero muli, ipinagkibit-balikat niya na lang ito, dahil baka prank call lang iyon ng kung sino man sa mga homies o officemates niya.
Ngunit sa kasunod na araw, pareho ang nangyari, parehong oras, at parehong numero. Sinagot niya ito, ngunit muli, sinalubong siya ng katahimikan. Ngunit sa pagkakataong ito, nagpatuloy ang tawag nang buong isang minuto. Kaya't si Luis na ang nag-end ng tawag. At napaisip siya, saan galing ito, at sino kaya ito?
Noong Abril 6, Sabado, nagsimulang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Bandang 3:00 p.m., may lumitaw na text sa kanyang cellphone. Walang contact name, walang number. May apat na salita lang.
"I see you, Luis."
Nakaramdam si Luis ng lamig sa kanyang gulugod at sa kanyang balat.
Tinitigan niya ang mensahe ng ilang segundo, at hinintay niya kung may nagta-type sa mga typing bubble, ngunit wala. Pinilit niyang huwag pansinin, dahil minsan pa niyang naisip na baka isang malayong kaibigan lang niya ang nanliligaw sa kanya, dahil mga holiday day-off ito at nasanay na siyang makasama ang lahat ng mga mapaglarong kaibigan na mahilig manggulo sa kanya tuwing break na ito.
Sa gabi ng araw na iyon, siya ay nakaupo mag-isa sa kanyang balkonahe, at ninanamnam lamang ang sariwang simoy ng hangin. Ngunit isang ring muli ang nagmula sa kanyang telepono. Isa na naman itong text, na nagsabing, "Ang chill mo namang nakaupo sa bintana mo."
Bumagsak ang kaniyang tiyan, dahil sa oras na iyon, nakaupo nga siya sa kanyang barrel chair sa balkonahe sa pangalawang palapag. Bilang mabilis niyang tugon, agad siyang tumingin sa paligid — ang mga puno, ang daanan, ang mga tarangkahan — ngunit wala siyang nakita.
Ngunit hindi niya sinabi kahit kanino kung nasaan siya. Kahit isang tao, wala siyang binanggit sa mga ka-opisina niya kung saan siya mamalagi sa Semana Santa na iyon.
Kaya't tumayo siya, pumasok siya sa loob ng bahay, at agad niyang ni-lock ang lahat ng mga pinto, isinara ang lahat ng mga bintana, at hinila ang mga blind. At hindi siya nakatulog buong gabi.
Kinabukasan, Abril 7, nanatili siya sa loob ng kanyang resthouse, at lahat ng kanyang mga pinamili at pagkain ay inorder na lang online dahil sa sobrang takot na niyang lumabas. Pagkatapos ay nanood siya ng TV at nagluto ng tanghalian. Bandang 11:30 ng gabing iyon, habang kumukuha siya ng tubig sa kanyang kusina, may nakita siyang isang bagay na sumira sa kanyang sentido ng seguridad.
Sa bintana sa labas ng kusina, sa likod-bahay, may nakita siyang silweta. Isang matangkad at itim na naka-hood na pigura na nakatayo lang doon.
Mukha lang siyang anino, ngunit masasabi niyang diretso itong nakatingin sa kanya. At sigurado siya, base sa hugis ng anino, na ito ay isang tao. Kaya natigilan siyang muli, hindi siya makagalaw, at nagsimula nang napabuntung-hininga. Dahan-dahan niyang hinablot ang kanyang cellphone, binuksan ang camera, at nang idirekta niya ito sa bintana upang litratuhan ang pigura, wala na ito doon.
At sa puntong iyon, doon na siya tumawag ng pulis.
Kinaumagahan, isang grupo ng mga pulis mula sa Escala PNP ang dumating sa kanyang residential area. Sinuri nila ang bahay at likod-bahay, ngunit wala silang makitang sinumang tao. Walang yabag, walang senyales na may nagtangkang pumasok sa kanyang lugar. Wala ding bakas ng forced entry.
Kaya't sinabihan nila si Luis na baka na-stress lang siya, at pinayuhan siya na i-lock ang kanyang bahay, lagyan ng ilaw o buksan ang mga ilaw sa paligid ng kanyang tirahan upang mas matunton ang manunubaybay, at tawagan silang muli kung mangyari itong muli.
Kaya naman, nagpasalamat siya sa kanila, ngunit alam niyang totoo ang nagpaparamdam sa kaniya.
Pagkatapos ng dalawang araw, walang nangyari. Walang tawag, walang text. Kaya siguro inakala niyang wala na ang nagmamasid sa kanya. Ngunit bandang Abril 9, may napansin siyang papel na naka-tape sa kaniyang pambungad na pintuan.
Ito ay isang larawan niya na nakaupo sa kanyang balkonahe na nagbabasa at may parehong t-shirt sa parehong araw. Ang larawan ay parang kuha mula sa ilalim ng puno malapit sa kaniyang gate. Agad niyang ibinaba ang kanyang telepono, at nagsimulang manginig ang kanyang mga kamay. Dahil muli, wala siyang kapitbahay at tatlong bloke ang layo ng unang bahay mula sa kaniya.
Kaya walang sinuman ang posibleng maging ganoon kalapit para kumuha ng litrato sa kanya, na hindi man lang napansin.
Pagkatapos, noong Abril 10, Miyerkules Santo, bandang 1:00 ng madaling araw, nagising siya sa isang tunog na nagmumula sa kanyang telepono. At muli, ito ay static lamang. Medyo napagod siya rito, kaya pinatay na niya ang tawag.
Ngunit matapos ang isang minuto, tumunog ulit ito. Napatitig lang siya rito habang bumibilis ang tibok ng kaniyang puso.
Sa kasunod na araw, isang bagong text ang lumutang sa kaniyang cellphone, na nagsabing, "Alam mo bang nakikita kita, Luis?"
Doon siya ulit tumawag sa mga pulis. Dumating ang parehong pangkat sa kanyang tahanan. Hinalughog nila ang kanyang ari-arian, gayundin ang kabuuang residential area, at nanatili silang nakamasid sa paligid nito sa loob ng 48 oras, nagbabantay araw at gabi.
Ngunit gayon pa man, wala silang mahanap na sinuman. Wala pa ring mga bakas ng paa, at walang pa ring natutuntong tao.
Ang isa sa mga pulis, nang umalis ito, ay muling nagsabi kay Luis na kailangan nilang umalis, dahil wala silang mahanap.
Pagka-Huwebes Santo, umulan ng malakas. Nakaupo si Luis sa kanyang sala, nakatitig lang sa papel na nakadikit sa kanyang mesa.
Muling tumunog ang kanyang cellphone, at ito ay ang parehong numero na tumawag sa kanya ng dalawang beses. Nag-alinlangan siyang sumagot, dahil nanginginig na siya ngayon sa sobrang takot. Ngunit gayunpaman, nais niyang malaman ang mga sagot. Kaya naman, kinalma niya ang sarili at pinindot ang "accept," ngunit muli, static lang ang sumalubong sa kaniya.
At matapos ang ilang segundo, isang nakakatakot na boses ang sumagot. "I'm coming for you, Luis."
Ang boses na ito ay napakagaspang, napakabaluktot, at tila parang mga pako sa pisara. Parang bakal na kinakalmot, at nanlamig na lang siya ulit nang marinig iyon.
At ang sumunod ay ang mahaba, mabagal, at napaka-nakakatakot na tawa.
Kaya, muli, hindi na nakayanan ni Luis, at tumawag siya sa pulis ng Escala sa ikatlong pagkakataon. Kaya, muli, dumating ang buong koponan.
Nangako ang mga ito sa kanya na sisiyasatin nilang muli ang kanyang lugar sa loob ng 48 oras at nagpa-patrol sila sa gate. Hindi na makatulog si Luis, ngunit ngayon ay nakahinga siya ng maluwag dahil siguro lahat ng sagot ay nakukuha na niya.
Gayunpaman, sa unang gabi ng muling pagsusuri, wala na namang nangyari. Pagkatapos, sa ikalawang gabi, bandang 2:00 a.m., ang isa sa mga pulis ay nakakita ng isang pigura, isang itim na mukhang gumagala sa paligid ng residential area.
Kaya't inalerto niya ang mga kapwa pulis at agad nilang binuksan ang kanilang mga flashlight at sinubukang hanapin ang taong iyon, ngunit muli ay wala silang nakita. Walang mga bakas ng paa at walang init sa thermal.
At nang nag-umaga, bumalik sila sa residential area ni Luis, at isa sa kanila ay tumingin kay Luis at nagsabi na hihinto na sila sa pag-iimbestiga ng kaso dahil hindi nila talaga makita ang pigura na nararamdaman niyang nagmamasid sa kanya at maraming oras na ang nagugol nila para rito.
Kaya naman, noong Biyernes Santo, hindi na siya nakahiga, kulang na lang ang kanitang tulog, at halos lahat ng ilaw sa paligid ng bahay ay bukas.
At muli, tumunog ang kanyang cellphone. Sinagot niya ito at nagbitaw ang taong tumawag ng pitong nakakagigil na salita.
"Malapit na ako, Luis. Mamamatay ka na."
Kaya't kaniya nang binlock ang numero. Ngunit bandang 3:00 a.m., may kumatok sa kanyang bintana. At nang lumingon siya para tingnan ito, huminto ang kanyang paghinga.
May nakadikit na larawan sa salamin. Ito ay isang litrato niyang natutulog sa kanyang kama. At doon na siya nag-text sa kaniyang pamilya na uuwi na lang siya ng maaga kinabukasan para sa Biyernes Santo.
Kaniyang kinandado ang buong resthouse, binuksan halos lahat ng ilaw, at nilagay ang kaniyang cellphone sa silent mode. Bandang 12:00 a.m. ng hatinggabi, nag-vibrate ang kanyang telepono, at nang binasa ang isa na namang text na ipinadala sa kaniya, dito na nag-quitlis nang husto ang bugso sa kaniyang puso.
"Nasa loob ako."
Muli siyang natigilan at napilitang habulin ang kaniyang hininga. Tiningnan niya ang pinto at naka-lock ito. Tiningnan din niya ang mga bintana at nakasara rin ang lahat. Kaya't inisip niya, paano nakapasok ang kaniyang tagamasid sa loob?
Sinubukan niyang pakinggan ang anumang tunog sa bahay upang matunton kung nasaan ang manunubaybay sa loob ng kanyang tahanan, ngunit ang tanging tunog na kaniyang naririnig ay ang pagkitak ng kanyang orasan.
Bigla niyang napansin ang sunud-sunod na pagtapak. Sinubukan niyang maglakad ng mabagal habang tinutunton kung saan nanggagaling ang tunog at tumingin siya sa pasilyo, ngunit walang tao. Pero pagbalik niya sa sala, ay may tao doon.
At ito ay ang matangkad na silweta, kahugis ng aninong nakatitig sa kanya mula sa bintana ng kusina niya mga nakaraang araw. At napahingal na lamang si Luis sapagkat ito ay napakalapit na sa kanya. Siya ay nasa sulok at may hawak na kutsilyo. Napasigaw si Luis at napatakbo sa kusina, ngunit nakaramdam ng isang malamig na talim na tumusok sa kanyang tagiliran.
Nang mapansin ng kanyang kapatid na hindi siya nagbibigay ng update sa kanila mula nang hindi ito makauwi para sa Biyernes Santo, ay tumawag na ito at ang kanilang pamilya sa Escala Police at natagpuan nila ang bangkay ni Luis sa kanyang sala na may isang saksak at walang palatandaan ng anuman pang pinsala. Nakakita din sila ng kutsilyo ilang metro mula sa kaniya, na tila ba kaniya itong inihagis palayo.
At nang mag-imbestiga ang mga pulis, tinamaan sila ng nakakakilabot na katuklasan.
Ang fingerprint ni Luis at ang fingerprint sa hawakan ng kutsilyo — ay iisa lamang.
🖼️: Patrick James Ureta, Senior Editorial Cartoonist
Comments
Post a Comment